UP Computer Science Interns' Blog

May 13, 2010

Thirteenth Day at Jae Saeng Phon

Filed under: jsp_200716341 — Paul Rossener @ 8:47 am
Tags: , , , ,

<Isang mapait na biro.>


Sisimulan kong magkwento sa kung paano nag-umpisa ang araw ko.


Pagising ko’y naisip ko na agad ang magiging outing mamaya. Medyo labag man sa loob ko, naghanda na rin ako ng mga gamit para sa swimming. Una sa lahat, hindi ko naman talaga hilig ang swimming. Mas gusto ko pa ang manood na lang ng sine o kaya mag-bowling. Pangalawa, may pinag-iipunan kasi ako. At alam kong mauubos ang isusweldo ko ngayon sa swimming.

Sa byahe ay mabigat parin ang loob ko. Nag-iisip na nga ako ng pwedeng idahilan para matanggap nila na hindi ako makakasama. Pero ayoko naman na tawagin nila akong kj. At saka, kulang din sila sa tao kaya pag umalis pa ako, mas mahal ang magiging ambagan nila.


Dumating ako sa JSP.


Sige na nga. Tutal ay handa na rin ako sa swimming at lahat, sasama na lang ako, naisip ko habang papasok sa IT. Nadatnan ko si Dave at Sir Neal sa loob ng kwarto. Mukhang excited si Paul ah! Pabating banat ni Dave. Ngumiti na lang ako. Siguro nga mag-eenjoy ako kasi andyan sina Dave.


Unti-unting nagsidatingan ang lahat bukod kay Joel. May klase daw kasi siya ngayon kaya hahabol na lang siya mamaya. Sinabihan ako ni Sir Jovy na turuan sila Moises at Alyssa ng tungkol sa PHP. Medyo nag-alangan ako sa una pero sinunod ko pa rin si Sir Jovy. Basics lang muna ang tinuro ko. Yun tipong paano mag-echo, anong ibig sabihin ng include, at iba pa. Katulad ko, mas gamay din pala nila ang Java. Dumating kami sa punto na kung saan wala na talaga akong maituturo dahil baka maguluhan na sila. Pinayuhan kami ni Sir Jovy na mag-aral na lang sa w3schools, isang website na may mga tutorials tungkol sa web programming.

Habang pinag-aaralan nila ang PHP, ako nama’y nag-aral tungkol sa  Javascript at XML. Madali lang pala ang mga ito, lalo na ang XML. Dahil madami pang oras napag-aralan ko na din ang XHTML.

Sa mga oras na to ay nag-pupulong na sila tungkol sa mangyayari mamaya. Lahat ay excited. Ako slight lang. Hindi ko pa rin feel kasi. Nang matapos na ko sa mga tutorials ay nakisali na rin ako sa usapan nila.

Pagsapit ng hapon ay pinatawag sina Sir Jovy para sa general meeting. Habang wala sila ay medyo nagkagulo kami dala siguro ng excitement na walang nagbabantay samin. Alam mo yun? Parang sa klase, tuwing aalis ang titser ay magkakagulo ang lahat dahil wala lang. Pero naisip din namin na huminahon kasi nandyan pala ang mga investors. Nakakahiya pag nakita kami!

Dumating si Sir Jovy at tinuloy na ulit namin ang sariling meeting. Pagkatapos i-summarize ni Dave ang napag-ayunan ng grupo, biglang nagsalita si Sir Jovy. O, dapat mag-saya tayo mamaya dahil huling araw ko na ngayon.


Hinintay kong sabihin ni Sir Jovy ang mga salitang Biro lang.


Naghintay lang ako sa wala.


Tahimik.


Hindi ako nagbibiro. Huling araw ko na nga to.


Sa lahat ng kill joy eto ang pinakabrutal. Habang bumabaon sa isipan ko ang mga salita ni Sir Jovy, unti-unting nagsikip ang dibdib ko. Nangingilid na din ang mga mata ko, pero buti na lang ay napigilan ko pa.

Itinuring ko na si Sir Jovy na parang ama ko. Madami siyang naituro sakin na hindi ko natutunan saan man. Hinulma niya ang pagtingin ko sa totoong buhay; na kahit gaano man katalino ang isang tao, masusukat lang ang kagalingan nito sa kung paano niya maisasalin ang nalalaman niya sa gawa.

Hindi niya ako pinakitaan ng favoritism kahit na taga-UP ako. (Kahit araw-araw ang biruan nila ni Dave ng Lagot ka kay Paul, taga-UP yan,hanggang dun lang yun) Lahat kami’y pantay-pantay sa kanya.


Sa buhay, hindi naman nasusukat ang katauhan ng isang tao sa kung saan siya nag-aaral o kung gaano kataas ang grades niya. At sa totoo lang ang tanging kakumpetensya mo ay ang sarili mo lamang.

We are all incomparable. Isa sa mga natutunan ko kay Sir Jovy ay ang tigilan ang pagkukumpara ng sarili ko sa iba. Ito’y dahil may makikita’t makikita ako na kulang sa akin at kulang sa iba. Sa halip ay magtiwala na lang ako sa sarili ko at makipagtulungan sa mga kasama ko.


Madami akong natanggap mula kay Sir Jovy. At ang nakakatuwa pa dito’y marahil hindi niya alam na natutunan ko pala ang mga ito sa kanya. Mami-miss ko talaga si Sir Jovy.

Nabuhayan ang loob ko kahit papaano na sumama sa swimming. At least ngayon hindi na ko napipilitan dahil huling pagkakataon ko na to na makasama si Sir Jovy.


Hindi naman ako nanghihinayang sa anim na daang piso na iniambag ko para sa swimming. Bukod sa kaaya-aya ang resort ay nag-enjoy­ din naman ako talaga.


Maaga akong natulog dahil siguro dala na din ng pagod at pagkalungkot. Medyo imposible man, hiniling ko pa rin sa Diyos na sana bukas, paggising ko, ay maririnig ko mula kay Sir Jovy ang mga salitang Biro lang.

Magandang Aral

Lahat ng nangyayari sa buhay natin ay may magandang dahilan. Hindi man natin alam sa ngayon kung ano ang kahahantungan nito, hindi parin natin maikukubli na nasa tabi lang natin ang Diyos, nakasubaybay sa bawat paggalaw natin. Kailangan lang natin magtiwala sa kanya.

Mga Kaugnayan

JSP · W3Schools · XML · XHTML · Ezek 14:23

Advertisements

Blog at WordPress.com.

%d bloggers like this: