UP Computer Science Interns' Blog

May 16, 2010

Una

Filed under: aub_200708439 — ayne07 @ 5:25 pm
Tags: , ,

Dahil kakatapos lang ng eleksyon, gagamitin ko ang ating sariling wika para sa aking UNANG blog. At oo, nagpapalusot lang ako dahil ayokong mag-ingles. Pinapaunahan ko na kayo, marahil ay bumaha ng “blogs” ko ngayong mga sumusunod na araw dahil kailangan kong maghabol. 😛

Ginugugol ko ang aking bakasyon bilang isang “intern” sa Asia United Bank. Maraming nagtatanong sa akin kung ano ang gagawin ko doon, siguro ay sa kadahilanang bangko iyon at ang isang Comsci student na katulad ko ay dapat na nagttrabaho sa isang IT company. Magugulat ba kayo kung sabihin kong meron silang IT department? Oha. Oha.

Unang araw. Hindi ako sabik sa pagpasok sa AUB kaya naman dumating ako sa opisina nang 8:15 ng umaga habang pinapapunta ako doon ng 8:30. At hindi rin ako nagmukhang tanga dahil pagdating ko doon ay patay pa ang mga ilaw at lilima pa lamang ang tao.

Kuya(na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang pangalan): Ano pong kailangan nyo?
Ako: OJT po ako. Nandyan po ba sila Sir Al?
Kuya: Ay wala pa. Upo ka muna dyan. Naku, mamaya pa yun.

Yehey! Tutunganga na ako. Dumating si Sir Al ng mga 9:30 ng umaga. *Ayan ang napapala ng mga hindi sabik sa pagpasok*

Abala ang mga tao sa departamento (lalo na ang mga boss *Sir Al*) dahil kakalipat lang nila/namin ng gusali at kaya rin hindi pa tapos i-“setup” ang ibang mga computer at hindi pa rin masyadong maayos ang network. Sa kadahilanang iyon, mas mahaba pa ang tinunganga ko. Hapon na nang sa wakas ay nagkaroon ng oras si Sir Al para kausapin ako at sabihin ang mga gagawin ko.

Ako lang pala ang nag-iisang OJT sa departamento dahil hindi na daw tutuloy yung isa. Ayon kay Sir Al, dahil nag-iisa lamang ako ay bibigyan nila ako ng “special projects” para sa mga system nila. At dahil rin sa isa silang bangko ay hindi basta-basta hinahayaang ipaubaya ang malalaki nilang systems sa isang hamak na tulad ko.

Ako ay napunta sa IT Loans Group at nakilala ko ang aking master na si Master Joanne. Siya ang magtuturo sa akin at ang magiging kapareha sa aking unang proyekto. Si Master Joanne ay gumagawa ng isang system na tinawag na Acer Loan Uploading System at iyon ang una kong proyekto.  Hindi ko muna ipaliliwanag ngayon dahil sa pagkakaalala ko ay di ko pa naintindihan ang ginagawa nung system nung unang araw ko at dahil para sa unang araw itong blog na ito, di ko muna sasabihin. 😛

Nag-install kami ni master ng mga kelangang software sa PC ko. Andami palang arte ng Visual Basic. Kung ano-ano yung ininstall namin. 😐

*Sa Kabilang Dako*
Master Joanne: Kamusta first day?
Aina: Ayun, nakatunganga.
Master Joanne: Ganyan talaga yan. Nung unang araw ko dito buong araw rin akong nakanganga.

Sana’y may gawin na ko kinabukasan. 🙂

Advertisements

Create a free website or blog at WordPress.com.

%d bloggers like this: